
Huwag makontento, magandang resulta’y isiguro
Isinulat ni FILIPINO | KOLUM
Kung epektibo ang isang gawa, masasabi kong makikita ito sa bungang nailathala.
Sa tuwing ako ay gumagawa ng paraan sa isang problema, iniisip ko kung ano ang magiging resulta nito. Kung maganda ang bunga, epektibo. Kung masama naman, hindi.
Sa ginanap na press briefing kanina, tinalakay ni Gilbert M. Dela Cerna, isang abogado, kung bakit ginawa ang batas republika no. 10175 o mas kilala bilang “Cybercrime Prevention Act of 2012”.
Ayon sa kaniya, lumalaganap na rin ang pang-aabuso sa mga kabataan gamit ang teknolohiya. Kabilang na rito ang cyberbullying, online harassment, online libel, cybersex o online exploitation, at iba pang mga krimeng nangyayari online. Dagdag niya pa, umabot 70 porsiyento ang nakararanas nito ngayon.
Layunin ng batas na maprotektahan tayo laban sa mga krimeng ito.
Para sa akin, isang magandang balita na ang batas na ito ay epektibo.
Ayon sa report mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT), bumaba sa 38% ang naitalang kaso sa cybercrime noong nakaraang taon.
MAGBASA PA: DICT: Bumagsak ng 38% ang mga kaso ng cybercrime noong 2025, nangunguna sa listahan ng online libel
Hindi ko maiwasang matuwa sa nangyaring ito. Buong akala ko noon, mananatili lamang ang batas na ito sa papel. Subalit napagtanto kong mayroon pala itong naitulong at epektibo nitong nasiguro ang kaligtasan ng mga kabataan.
Hindi man nito tuluyan pang napuksa ang krimen, ngunit unti-unti namang nababawasan ang mga kaso.
Para sa akin, epektibo ang batas, subalit kinakailangan pang mas paigtingin upang tuluyan nang mapuksa ang cybercrime.
Nararapat lamang na ipabilang sa kurikulum ang leksyon kung saan mas pinapalawak nito ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa cybercrime at mas maipaliwanag nang maayos ang layunin ng batas na nabanggit upang tayo ay magmulat. Turuan ng mga magulang ang mga bata kung paano magsabi ng totoo o kung naranasan man nila ang ganitong krimen.
Mga magulang ang unang nakikita ng mga kabataan sa kanilang pamamahay at sila ang una nilang tatakbuhan kung may masama man silang naranasan.
Kahit na maganda ang bunga ng batas ngayon, huwag tayong makontento sapagkat hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
At upang masigurong mabuti pa rin ang resulta, pagpaigting sa batas ang dapat nating i-asta.
