
Maging responsableng mamamayan!
Isinulat ni FILIPINO | KOLUMN
Sa tuwing tinatahi ko ang malaking butas sa aking pantalon, hindi sapat ang isang sinulid lamang.
Maikukumpara ito sa malawak na pang-aabuso—seksuwal man o sikolohikal—sa mga kabataan gamit ang teknolohiya.
Tungkol sa Cybercrime Prevention Act of 2012 ang tinalakay ni Attorney Gilbert M. Dela Cerna sa ginanap na press briefing kaninang umaga. Aniya, nakatutulong ito upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa cybercrimes katulad ng cybersex o online exploitation, hacking, identity theft, at online harassment.
Subalit, sapat ba ang batas na ito kung ang mga tao ay hindi pa rin tumitigil sa paggawa ng krimen?
Para sa akin, kung ang ugat ng problema ay hindi pa rin tumitigil sa pagtanim ng puno na siyang nagpapalawak ng isyu at kapahamakan, walang saysay ang pagputol ng tangkay nito kung ang ibaba ay buhay pa.
Sa madaling salita, kung ang tao ay hindi pa rin tumitigil sa paggawa ng krimen, walang saysay ang batas upang mapuksa ang problema.
Ayon kay Dela Cerna, umabot 70% ang nakararanas ng cybercrime. Para sa akin, isa itong nakababahalang numero sapagkat marami ang nabibiktima sa patibong ng mga masasamang tao.
Bumaba naman ang kaso ngayon sa 38% ayon sa report ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Subalit, bumaba, hindi nawala.
Sa tingin ko, nararapat lamang na mag-isip tayong mabuti. Alamin natin kung ang ating ginagawa ay tama o mali, lalo na sa internet.
Sinasabi ng iilan na ang social media ang dapat sisihin gayong hindi naman iiral ang mga isyung ito kung hindi lumaganap ang internet.
Subalit, para sa akin, maganda ang dulot ng social media sa atin. Nakatutulong ito upang mas mapadali ang komunikasyon natin sa isa’t-isa, mas madali rin nating malaman ang mga makabagong isyu sa lipunan katulad ng cybercrime na siyang magmumulat sa atin sa katotohanan.
Tao ang dapat sisisihin. Tayo ang gumagamit ng teknolohiya, hindi ang teknolohiya ang gumagamit sa atin.
Ang kinakailangan dito ay tamang pag-iisip. “We must be responsible online,” wika ni Dela Cerna.
Idinagdag niyang ang masama nating desisyon ay hahantong sa illegal na gawain.
Malaya tayo sa paggamit ng teknolohiya, subalit, “Freedom online comes with responsibility,” saad ng abogado.
Kung kaya para sa akin, hindi sapat ang batas lang. Kinakailangan din nating kumilos na naaayon sa tama. Mula sa pamamahay hanggang sa paaralan, nararapat na turuan ang mga kabataan kung paano makaiwas sa krimeng ito, kung paano protektehan ang kanilang sarili, at paano tulungang masugpo ang paglaganap ng cybercrime. Pangaralan dapat ng mga magulang ang kanilang mga anak. At higit sa lahat, tayo ay maging responsableng mamamayan sa pamamagitan ng pagsunod sa batas at pagrespeto sa kapwa tao.
Sa sarili mo magsisimula ang lahat kung kaya pangaralan natin ang ating sarili; walang makakapagdisiplina sa atin kundi ang ating sarili.
Gaya ng pagtatahi sa punit na tela, hindi sapat ang iisang hibla ng batas kundi kailangan ang matibay na pagkakabuklod ng disiplina at responsibilidad upang tuluyang masugpo ang butas ng krimen sa ating lipunan.
