PANGIL NG BATAS
Kaalaman ay palawakin, kaligtasa’y siguraduhin!

Layunin ng batas na matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan, ngunit kung kulang ang talim nito at ating kaalaman tungkol sa kautusang ipinatupad, tila wala na itong kabuluhan sa ating lipunan.
Tinalakay ni Attorney Gilbert M. Dela Cerna ang kahalagahan ng Republic Act (RA) 10175 o mas kilalang “Cybercrime Prevention Act of 2012” sa ginanap na press briefing kamakailan lang. Ayon sa kaniya, ipinatupad ito sapagkat kasabay ng pag-usbong ng teknolohiya ay ang pang-aabuso gamit ang social media, na nagdudulot ng masamang epekto sa atin. Dagdag pa rito, aniya, kinakailangang paigtingin ang pangil sa batas gayong iilan sa mga kabataan ang kulang sa kaalaman patungkol sa kautusang ito, lalo pa at sila ang halos nabibiktima ng paglabag.
MAGBASA PA: Cybercrime Prevention Act of 2012
Batay sa pahayag ni Atty. Dela Cerna, pito (7) sa sampung (10) mga Pilipino ang nakararanas ngayon ng cybercrime. Kabilang na rito ang mga kabataang walang muwang sa ganitong bagay.
Ang cybercrime ay mga nangyayaring krimen sa teknolohiya. Idinagdag ng abogado na kabilang na rito ang cyberbullying o online harassment, online libel, hacking, identity theft, cybersex, at online exploitation. Ang mga paglabag na ito ay mapapatawan ng parusa gamit ang RA 10175.
Subalit, nakalulunos isiping kahit na tagumpay itong naisakatuparan, tila wala itong saysay gayong kulang sa talas ang ngipin ng batas.
Ayon sa isang report, nang nakapanayam nila ang MAKABATA helpline 1383, isang direktang kontak para sa pag-uulat ng mga pang-aabuso sa mga bata, 13.52% na mga kabataan ang kulang sa kamalayan patungkol sa batas at ang serbisyong maibigay nito.
Mahirap paigtingin ang batas kung ang pinoprotektahan nito ay walang alam.
Hindi lingid sa ating kaalaman na maraming mga kabataang nabibiktima sa krimeng ito, subalit imbes na magsabi ng katotohanan sa pulisya, pinili nilang magtago at magtikom ng bibig sapagkat hindi alam ng mga bata kung saan sila tatakbo upang magsumbong o kung may magtatanggol bang batas sa kanila.
Alam ng mga kabataan kung ano ang cyberbullying subalit kulang ang kanilang kaalaman tungkol sa batas na magpoprotekta sa kanila laban sa krimeng ito.
Ang pagpalaganap ng kaalaman tungkol sa batas na ito ay nakatutulong upang mas mapanindigan ang kaligtasan ng mga kabataan sapagkat kung kulang tayo sa muwang, tila nanatiling nakatinta lamang ito sa papel.
Ang pagpapalawak ng kamalayan ay hindi lamang tungkol sa pagpaparami ng mga polisya, sa halip magiging daan ito upang makalikha ng kultura ng pag-uulat.
Dagdag pa rito, karamihan sa mga kabataan ang gumagamit ng teknolohiya at mulat sa social media kung saan lumalaganap ang cybercrime at ang edukasyon at kaalaman ang isa sa sandata upang malabanan ang karumal-dumal na krimeng ito.
Kung kaya, nararapat lamang na paigtingin ang Cybercrime Prevention Act of 2012 sa pamamagitan ng pagpalaganap at pagpalawak ng kaalaman ng mga kabataan tungkol dito. Kung sila man ay mabibiktima, malalaman nila kung saan tatakbo at magsusumbong. Sa edukasyon, dapat talakayin ng mga guro kung paano ito maiwasan at saan tatakbo kung sila’y mabibiktima.
Sapagkat ang tunay na pangil ng batas ay hindi lamang masusukat sa talim ng parusang nakasulat sa papel, kundi sa lalim ng kaalaman ng bawat kabataang gagamit nito bilang proteksyon at sandata.
