Edukasyon laban sa cybercrime, iginiit; Kabataan, binalaan sa ‘digital consequences’

Isinulat ni AGHAM | BALITA

MAS MALAWAK NA KAALAMAN. Upang laban ang tumataas na bilang ng mga nagiging biktima ng cybercrime, nanawagan ang isang abogado na magkaroon ng mas malawak na awareness campaign patunggkol sa paglaban at pag-iwas sa ganitong kaganapan. Kuha ni INGLES


PAHAPYAW NA DETALYE:

  • Ayon kay Dela Cerna, hindi biro ang kinakaharap na banta ng mga kabataan ngayon.
  • Nagbabala si Attorney Gilbert M. Dela Cerna, na ang bawat “click” at “post” sa digital na mundo ay may kaakibat na legal na pananagutan sa ilalim ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
  • Binigyang-diin ni Dela Cerna na ang bakas na iniiwan ng isang tao sa internet o ang tinatawag na digital footprint ay hindi na nabubura at maaaring balikan ng batas sa hinaharap

SURALLAH, South Cotabato — Binigyang-diin ng isang dalubhasa sa batas ang agarang pangangailangan para sa mas malawak na awareness campaign upang maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa  cybercrime at maling paggamit ng teknolohiya.

Sa ginanap na press briefing kaugnay ng 2026 Regional Schools Press Conference (RSPC), nagbabala si Attorney Gilbert M. Dela Cerna, na ang bawat “click” at “post” sa digital na mundo ay may kaakibat na legal na pananagutan sa ilalim ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.

Ayon kay Atty. Dela Cerna, hindi biro ang kinakaharap na banta ng mga kabataan ngayon dahil ang mga gawaing gaya ng cyberbullying, online libel, hacking, at identity theft ay hindi lamang simpleng pagkakamali, kundi mga krimeng may katapat na mabigat na multa at pagkakakulong.

“These violations of actions are not jokes, these are crimes, you can be fined, pwede kang makulong,” pahayag ni Atty. Dela Cerna.

Dahil sa tumataas na bilang ng mga biktima ng online abuse, hinimok ng abogado ang mga paaralan at komunidad na paigtingin ang pagtuturo ng digital responsibility

Aniya, ang pag-iisip bago mag-post ay ang pinakamabisang depensa upang hindi maging biktima o maysala sa internet.

Bilang bahagi ng proteksyon, ipinaalala rin ng abogado na bukas ang mga pintuan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) Cybercrime Group para sa mga biktima na nagnanais humingi ng legal na saklolo.

Binigyang-diin ni Dela Cerna na ang bakas na iniiwan ng isang tao sa internet o ang tinatawag na digital footprint ay hindi na nabubura at maaaring balikan ng batas sa hinaharap.

“Ang inyong kinabukasan ay nakadepende sa inyong digital behavior. Huwag hayaang ang isang maling pindot ay maging mitsa ng inyong pagsisisi,” pagtatapos ni Atty. Dela Cerna.