Kinabukasan, nakasalalay sa digital behavior — Atty. Dela Cerna

Isinulat ni AGHAM | BALITA

APKETADO. Ayon sa isang alagad ng batas kung ano man ang pino-post mo online ay tatagal pa ng mahabang panahon na maari itong maka-apekto sa kinabuksan ng isang tao, kung kayat ipinanawagan ng abogado ang tamang paggamit ng teknolohiya. Kuha ni INGLES


PAHAPYAW NA DETALYE:

  • Ipinaliwanag ni Dela Cerna na ang maling pag-post o paninirang-puri sa kapwa ay hindi lamang simpleng pagkakamali kundi isang krimen na may mabigat na parusa sa ilalim ng Republic Act 10175.
  • Ipinaalala rin niya na ang mga biktima ng online harassment o pananamantala ay hindi dapat matakot na lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) o Philippine National Police (PNP) Cybercrime Group para sa legal na tulong.
  • Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, hinimok ni Dela Cerna ang kabataan na gamitin ang online freedom sa mas kapaki-pakinabang na paraan

SURALLAH, South Cotabato — Nanawagan ang isang alagad ng batas sa mga kabataan na maging maingat at responsable sa kanilang mga ginagawa online, dahil maaring makaapekto ito sa kanilang kinabukasan.

Sa kaniyang talumpati sa ginanap na press briefing kaugnay ng 2026 Regionals Schools Press Conference (RSPC), iginiit ni Atty. Gilbert M. Dela Cerna, na ang teknolohiya ay makapangyarihang kasangkapan ngunit maari ring abusuhin sa iba’t ibang paraan.

Ipinaliwanag ni Atty. Dela Cerna na ang maling pag-post o paninirang-puri sa kapwa ay hindi lamang simpleng pagkakamali kundi isang krimen na may mabigat na parusa sa ilalim ng Republic Act 10175.

“These violations of actions are not jokes, these are crimes, you can be fined, pwede kang makulong,’’ pahayag niya.

Binigyang-diin niya na sa panahon ng digital age, ang dangal ng isang tao ay nakasalalay sa kaniyang asal sa internet. 

Ayon sa kaniya, ang maling digital behavior ay maaaring maging hadlang sa mga oportunidad at pangarap ng isang mag-aaral sa hinaharap.

TUNTUNIN BAGO MAG POST

Upang maiwasan ang pagkakasangkot sa gulo, nagbigay ng gabay ang abogado sa mga campus journalist bago magbahagi ng anumang impormasyon sa social media.

“Bago kayo mag-post, tanungin ang inyong sarili: Ito ba ay totoo? Ito ba ay magalang? Ito ba ay kinakailangan? At magiging proud ba ako rito?” aniya.

Ipinaalala rin niya na ang mga biktima ng online harassment o pananamantala ay hindi dapat matakot na lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) o Philippine National Police (PNP) Cybercrime Group para sa legal na tulong.

REPONSABLENG KALAYAAN

Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, hinimok ni Atty. Dela Cerna ang kabataan na gamitin ang online freedom sa mas kapaki-pakinabang na paraan.

Aniya, dapat gamitin ang internet sa pagkatuto, paglikha, at pagbibigay-inspirasyon, sa halip na gamitin ito sa pananakit o panlilinlang sa kapwa.

 “What you post online will stay, and will be seen by your teachers or even your future family,” pagtatapos ni Atty. Dela Cerna.